Isang nakakatuwang pangyayari na ang aking bunsong kapatid ay naglathala na ng sarili niyang blog. Ito ay marahil sa matinding pagkakabagot karagdagan pa ang pangungulit na ginawa ko sa kanya na gumawa ng mas produktibong bagay habang naka-internet.
Ayon sa una niyang isinulat, nais niyang sumulat halintulad sa pagsulat ko. Subalit siya ay nangangamba na maubusan daw ng Ingles. Ganun pa man, ang una nyang panunulat ay karaniwan na sa mga nagsisimula sa ganitong adhikain. Batid ko na datapwa't tinitingala ako ng aking bunso sa lathalaing banyaga, sa sarili kong pananaw, hindi pa sapat ang aking kakayahan.
Una, nais kong sumulat na mabilis. Pangalawa, ang pagsasalin sa sulatin ng nilalaman ng aking isipan at damdamin sa isang maliwanag na pamamaraan na walang patlang o pagtigil. At higit sa lahat, maihatid sa mga tagapagbasa ang samut-saring paksa ng buong kulay, detalye at walang paligoy-ligoy.
Ang pagsusulat ay libangan ko laban sa pagkaka-inip sa tuwing may kawalan ng gawain. Pangalawa ito sa pagpapalipas ko ng oras sa harap ng telebisyon.
Ang pagsusulat ang pangalawang paraan upang mahasa ang aking isipan sumunod sa pagbabasa. Ang ikatlong pamamaraan ay ang pagiging aktibo ko sa mga pagbibigay solusyon sa mga palaisipan. Mahalaga din ang pakikipagtunggali sa iba't-ibang laro, pisikal man o mental, ito ay maituturing na ehersisyo para sa isipan. Ang pakikinig ng sermon sa misa o kaya'y sa pananalita ng ibang tao (mga reporter, TV hosts, at iba pa) at ang pagpataw ng sariling kuro-kuro hinggil sa mga kanilang sinabi ay nakakatulong din.
Sa pagtatapos, ikinagagalak ko ang sinimulan ng aking kapatid. Nais kong masanay siya sa pagsusulat ng may laman at kabuluhan, may karampatang diin at makulay na pagsasabuhay ng kanyang isipan.
Eto ako, halintulad sa pangamba ng kapatid ko. Kung ang takot niya ay hinggil sa pagiging kapos sa pananalitang Ingles, ako, eto tila yata naubusan ng salita sa sariling wika. :-(
Para sa inyong kaalaman, sa asignaturang Filipino ako bumagsak sa pagsusulit ko sa NCEE at PUPCET. Nakakahiya... :-(
No comments:
Post a Comment